Hindi umano magpapasindak ang national basketball team ng France kahit na ang defending champion at team to beat na USA ang makakasagupa nila sa quarterfinals ng 2019 FIBA World Cup.
Ayon kay France head coach Vincent Collet, batid nilang ang pinakamalakas na koponan sa torneyo ang kanilang haharapin kaya naman hindi raw sila susuko hangga’t hindi pa tumutunog ang final buzzer.
Bagama’t aminado ang coach na pagod sa biyahe ang isa sa kanilang mga problema bago ang laban mamayang alas-7:00 ng gabi, balewala lamang daw ito sa French squad na ikatlo sa rankings sa buong mundo.
“We have a quarterfinal against the strongest team in the competition, but until proven otherwise, we are alive. It will be necessary to manage fatigue of the travel in addition to that of the match whereas the Americans are already on the spot, but we will give everything to succeed in the impossible feat,” wika ni Collet.
Sa poder naman ng Team USA, sinabi ni head coach Gregg Popovich na susubukan nilang magpatupad ng mas mainam na depensa laban sa France.
Sa tingin ng mga tagapagmasid, masusubok umano sa bakbakan ang tibay ng defensive scheme ng Team USA.
Ito raw ay dahil sa seryosong hamon na bitbit ng France sa magkabilang dulo ng court, sa pangunguna ni Rudy Gobert, na two-time Defensive Player of the Year ng NBA.
Kahit na ang Team USA ang pinapaboran umanong manalo sa salpukan mamaya, asahan daw na magiging dikit ang laban sa pagitan ng dalawang powerhouse teams.