Nasa kamay na raw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kapalaran ng posisyon ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) acting president at CEO Roy Ferrer matapos masangkot sa issue ng korupsyon ang tanggapan.
Sa isang presscon inamin ni Ferrer na hindi ito ang unang beses na narinig niya ang ulat tungkol sa kontrobersya, gayundin sa ilan pang anomalya sa loob ng korporasyon. Kaya naniniwala itong propaganda ito para patalsikin sya sa pwesto.
Nitong araw nang pumutok ang ulat hinggil sa iligal umanong gawain ng isang klinika sa Quezon City na WellMed Dialysis Center (WellMed).
Batay sa ulat, patuloy na nag-file ng dialysis claims ang klinika sa PhilHealth kahit patay na ang mga miyembrong gagamit sana nito. Kaya patuloy ding nagbayad dito ang ahensya.
“It could be against me and the PhilHealth because of my focus now on anti-fraud,” ani Ferrer.
Sa ilalim ng bagong circular ng Philhealth may matatanggap na P2,500 case rate ang isang benepisyaryo na magpapasailalim sa dialysis.
Ayon kay Ferrer, noong 2018 pa nila kinasuhan ang ilang empleyado at doktor ng dialysis center kaya hindi raw sila pwedeng akusahan na hindi tumugon sa issue.
Batay sa datos ng PhilHealth noong 2017 nasa halos 50-milyon Pilipino ang rehistradong miyembro ng naturang health insurance.
Nasa 1.6-milyong kaso ng dialysis naman ang binayaran ng ahensya na umabot ng P8.37-bilyon.
Sa ilalim nito halos P4-bilyon ang ibinayad ng PhilHealth sa lahat ng Free Standing Dialysis Clinics kabilang na ang WellMed.
“Efforts are being intensified to cleanse our ranks. 38 employees, some of them middle managers, have been suspended due to various violations. I was also told there is a mafia inside PhilHealth,” ani Ferrer.