Inanunsyo ng mga organizer ng Cannes noong Huwebes, Abril 10, ang opisyal na lineup ng mga pelikulang sasabak sa 78th Cannes Film Festival.
Kabilang sa mga tampok na direktor na maglalaban-laban para sa prestihiyosong Palme d’Or sina Wes Anderson (The Phoenician Scheme), Ari Aster (Eddington), at Richard Linklater (Nouvelle Vague).
Ang 2025 lineup ay puno ng malalaking pangalan sa industriya matapos ang matagumpay na 2024 edition na nagbunga ng Oscar contenders gaya nila Anora at Emilia Pérez.
Babalik rin si Julia Ducournau (Titane) sa kompetisyon sa kanyang bagong pelikula na Alpha, habang si Spike Lee ay kumpirmadong kalahok na may pelikulang Highest 2 Lowest, na ipapalabas sa labas ng kompetisyon sa Mayo 19.
Sa kabuuan, 19 na pelikula ang lalaban para sa Palme d’Or, anim dito ay gawa ng mga babaeng direktor. Tampok rin ang mga bagong pelikula mula kina Jean-Pierre at Luc Dardenne, Joachim Trier, at Jafar Panahi.
Sa Un Certain Regard section, ilulunsad ang directorial debut nina Scarlett Johansson (Eleanor the Great) at Harris Dickinson (Urchin).
Samantala, si Bono ay magpapalabas ng dokumentaryo tungkol sa kanyang one-man stage show.
Sa kabilang banda si Juliette Binoche ang magsisilbing jury president ngayong taon, ang unang pagkakataon sa 60 taon na dalawang babae ang magkakasunod na namuno sa jury.
Ang 78th Cannes Film Festival ay gaganapin mula Mayo 14 hanggang 25 ng taong kasalukuyan.