Ibinunyag ni Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos ang ilang beses na nilang pagtaboy sa mga maliliit na bangka ng mga Tsinong nagpupumilit pumasok sa Ayungin Shoal.
Ang mga ito aniya ay sakay sa kanilang mga Sampan o tradisyunal na bangka na gawa sa kahoy at kinalululanan ng mga Chinese milita. Ang mga sakay nito, ayon sa WesCom Commander, ay nagpupumilit na makapangisda sa mababaw na bahangin ng karagatang sakop ng Ayungin.
Ikinuwento rin ng opisyal na nakakalapit ang iba sa kanila ng hanggang sa 2,000 yarda ngunit agad namang nagdedeploy ng tropa ang WesCom upang pabalikin ang mga tsino.
Paliwanag ni Carlos, kailangang sundin ng tropa ng pamahalaan ang mapayapang paraan ng pagtaboy sa mga Tsino upang maiwasan ang posibleng pagtaas pa ng tensyon sa naturang lugar.
Gayunpaman, tiniyak din ng opisyal na nakalatag ang lahat ng contingency measures, lalo na kung mangyayari ang mga worst-case scenario sa lugar.
Pagtitiyak pa ng opisyal, ipagpapatuloy nilang babantayan ang naturang katubigan na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
– GENESIS RACHO