Gusto na raw sumuko ni Wesley Guo subalit inaantay pa umano nito ang advice o payo ng kaniyang ate na si dismissed Bamban Mayor Alice Guo ayon kay National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago.
Subalit naaresto na aniya si Alice at wala itong cellphone na pangkontak sa kaniyang kapatid kayat na kay Wesley na umano ang bola kung susuko na siya ng tuluyan sa mga awtoridad.
Una naman ng sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. na pinaghahandaan na rin ng DILG, PNP at iba pang ahensiya ang posibleng pagsuko ni Wesley na nagpahayag na rin kamakailan ng surrender feelers na ipinaabot ng kaniyang legal counsel na si Atty. Stephen David sa mga awtoridad matapos na maaresto na si Alice Guo o Guo Hua Ping noong Setyembre 4 sa Tangerang city, Indonesia.
Nauna ng napaulat na nakaalis na umano ng Batam, Indonesia si Wesley at nasa special administrative region na umano ng China na Hong Kong.
Kung matatandaan, nauna ng ipinag-utos ng Senado ang pag-aresto kay Wesley dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig kaugnay sa mga ilegal na aktibidad ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa kabila pa ng mga inisyung notice.
Nabunyag din sa pagdinig sa Senado na kasintahan ni Wesley si Cassandra Li Ong, ang incorporator ng Whirlwind Corporation na nagpaupa ng lupa sa POGO firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga na sinalakay noong Hunyo ng kasalukuyang taon.