Posibleng nasa Indonesia pa rin ang kapatid ni dating Bamban Mayor Alice Guo na si Wesley Guo ayon sa Bureau of Immigration.
Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na wala pa silang natatanggap na kumpirmasyon mula sa Indonesian authorities kung umalis na ng kanilang bansa si Wesley subalit naniniwala silang nasa Indonesia pa rin ito.
Subalit ibinunyag ng BI official na may natanggap na impormasyon ang bureau na umalis ng Indonesia si Wesley patungong Hong Kong ngunit wala naman aniyang kumpirmasyon pa dito ang Hong kong authorities.
Si Wesley Guo ay inilagay sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) dahil isa ito sa persons of interest may kaugnayan sa sinalakay na POGO hub na sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Samantala, kasalukuyan na aniyang nakikipag-ugnayan ang BI sa Indonesian authorities para sa pagbabalik ni Alice Guo o Guo Hua Ping dito sa Pilipinas matapos siyang maaresto.
Base sa mga ulat mula sa Indonesian government, sinabi ni Sandoval na mag-isa lamang ni Alice Guo sa kaniyang nirentahang unit nang madakip siya ng local authorities bilang siya ay illegal alien dakong 1:30 am ngayong Miyerkules sa Tangerang city sa Banten, Indonesia.
Una na ring iniulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Agosto na naghiwalay ang magkapatid na sina Alice at Wesley sa indonesia matapos ang pinaigting pa na pagtunton ng mga awtoridad sa kanila.