-- Advertisements --
Sobejana
Lt.Gen. Cirilito Sobejana

Bumuo na ng Task Force Hyrons ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para tutukan ang kasong pagdukot sa British national at misis nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom chief Lt.Gen. Cirilito Sobejana, inamin niyo na hindi pa matukoy kung anong grupo ang dumukot sa mag asawa na may posibilidad na mapunta sa kamay ng teroristang Abu Sayyaf.

Sinabi ni Sobejana may natukoy na silang dalawang indibidwal na kanilang itinuturing na persons of interest.

Aniya, magsasanib pwersa ang militar at pulisya sa Western Mindanao para ma-rescue ang mag-asawang Hayrons.

Kabilang sa tinitignan ng AFP ang paghihiganti bilang isa sa posibleng motibo sa pagdukot.

Ayon kay Sobejana, may mga report kasi na bago mangyari ang insidente may tinanggal ang mag-asawa ng limang guro sa paaralang pag-aari nila.

Maaari aniyang naghiganti ang mga kamag-anak ng mga gurong pinatalsik.

“Tuloy-tuloy naman yung aming search and rescue effort, naka concentrate tayo dito sa mainland kasi hindi pa, mukhang hindi pa nakatawid papuntang Basilan or Sulu and we do not even have identified the perpetrators. tinitingnan namin yung isang angulo kasi last Sept 20, itong mag-asawa na meron school dun, meron silang dinismiss na limang teachers so tinitingnan natin kung may kinalaman yung dismissal na yun,” pahayag pa ni Sobejana.

Sa ngayon wala pang ransom demand para sa dalawang biktima hanggang sa kasalukuyan.

Naglabas na rin ng facial composite sketch ang PRO9 sa isa sa dalawang persons of interest na dumukot sa mag-asawa.

Naglaan naman ng P1 million reward ang local government ng Lanao del Sur.

Naniniwala naman si Sobejana na hindi pa nakakalabas ng Zamboanga del Sur ang mga abductors kasama ang kanilang dalawang biktima.

Agad namang inalerto ng militar ang kanilang mga naval, air and land assets para imonitor kung saan posibleng dalhin ng mga abductors ang kanilang bihag.

“Meron tayong air, land and sea, may naval blockade tayo, nagla-lying to yung mga barko natin sa navy, meron tayong ISR capability, using our, yung ating air assets, tapos tayong ground forces securing the coastal areas,” wika pa ni Lt. Gen. Sobejana.