Positibo ang militar na nasa main battle area pa rin sa Marawi City ang umano’y kinikilalang lider ng Maute-ISIS na si Amin Baco.
Sa panayam kay Western Mindanao Command (WesMinCom) chief Lt. Gen. Carlito Gavez, batay sa nakuha niyang report mula sa mga ground commanders ay may siyam na terorista ang napatay sa operasyon kahapon at posible kabilang dito ang Malaysian terrorist na si Baco.
Sinabi ng heneral na 60 percent silang naniniwalang patay na si Baco at ito aniya ay batay sa narekober na bangkay.
Subalit kailangan pa itong isailalim sa DNA testing nang sa gayon ay masiguro na isa ang Malaysian sa mga napatay na terorista.
“I believe ang ano namin is I have yung, ano lang, yung body, we are more or less 60 percent,” wika ni Galvez.
Ibinunyag din ni Galvez na bukod kay Amin Baco, kanilang pinaghahanap sa ngayon ang anak ni Isnilon Hapilon na si Abdullah Hapilon at isang Indonesian na nakilalang si Mahalam.
Inihayag ni Galvez na sa sandaling makuha o ma-neutralize si Amin Baco, kanila nang nabali ang chain ng Maute-ISIS at ng teroristang Abu Sayyaf na nago-operate sa Mindanao.
Giit ni Galvez, malakas ang kanilang suspetsa na patay na ang mga ito dahil sa walang tigil na operasyon ng militar laban sa mga natitirang Maute stragglers.
“We have some suspicion that they are already dead kasi ang pagkakaano po sa amin ay merong walo ngang body count na nandun sa loob and when the Scout Rangers and 55th IB made the clearing operations more or less meron pang apat na kinukuha sila dun sa loob,” pahayag ni Galvez.