Wala pang hawak na kopya ng NBI report si Wesmincom Commander Lt.Gen. Cirilito Sobejana hinggil sa pamamaslang sa apat na sundalo sa Jolo,Sulu.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana sinabi nito na kanilang hinihintay ang nasabing report.
Hindi rin masabi ng heneral na nasa walo ang tama ng bala ng isa sa apat na sundalo na nasawi sa madugong pamamaril.
Pero sinabi ng heneral kung may ganuong report, hindi malayo na overkill nga ito.
Sa kabilang dako, tumanggi munang magkomento ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng alegasyong “overkill” ang nangyari sa isa sa apat na mga sundalong nasawi sa Jolo, Sulu shooting incident.
Batay kasi sa pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI), nagtamo ng walong tama ng bala ang isa sa tatlong sundalong isinailalim sa autopsy.
Ayon kay PNP Spokesman B/Gen. Bernard Banac, bahagi na ng imbestigasyon ng NBI ang pag- aanalisa sa autopsy report.
Sinabi ni Banac, hihintayin na lamang nila ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI at hindi muna sila magbibigay ng anumang pahayag ukol dito.
Sinibak sa pwesto ang chief of police ng Jolo Municipal Police Station dahil sa command responsibility.
Muling tiniyak ng tagapagsalita ng PNP na hindi nila kukunsitihin ang mga kabaro kung mapatutunayang lumabag sa batas at lumabis sa kanilang kapangyarihan.