Satisfied umano si Wesmincom chief Lt.Gen. Cirilito Sobejana sa takbo ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa madugong Jolo shooting incident na ikinasawi ng dalawang army officers at dalawang enlisted personnel.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana, sinabi nito naniniwala siya sa integridad ng NBI kaya kumpiyansia siya na ang resulta ng imbestigasyon na maglalahad ng katotohanan sa likod ng madugong insidente.
Kinumpirma ni Sobejana na nakausap niya si NBI Region 9 regional director Moises Tamayo kahapon ng umaga at inabisuhan siya hinggil sa progress ng imbestigasyon.
Sinabi raw sa kaniya na patapos na ang imbestigasyon pero may kakausapin na lamang sila ng ilan pang mga testigo para makumpleto na ang kanilang report.
“Yes, almost done, meron na lang silang iilang tao na interviewhin then they will come out with their full report,” pahayag ni Sobejana.
Hindi naman nagtakda ng timeframe ang NBI kung kailan nila ilalabas ang official report sa Jolo fatal shooting.
Sinabi ni Sobejana, tumanggi muna si Dir. Tamayo na ibunyag ang kanilang naging findings dahil kailangan muna niya ito i-report sa NBI national headquarters bilang pagsunod sa kanilang protocols.
Sa sandaling mayroon ng go signal saka lamang sila magbibigay ng kopya ng resulta ng kanilang imbestigasyon sa DND, DILG, AFP at PNP at saka ianunsiyo sa publiko.
“Ok naman, I do believe on the integrity of our NBI operatives kaya I’m confident na yung resulta ng kanilang imbestigasyon ay yung yalagang pawang katotohanan lamang,” wika pa ni Sobejana.
Samantala, inaabangan na rin ng Wesmincom ang paglabas sa resulta ng imbestigasyon na posibleng ilalabas na sa mga susunod na araw ng NBI.
Inihayag ni Sobejana na ang resulta ng imbestigasyonang siyang magiging basehan ng militar sa kanilang magiging susunod na aksiyon.
“Kapag lumabas na ang result, malalaman natin kung ano ang talaga ang tunay na nangyari and that’s what I’ve said na the result of the investigation will dictate our subsequent actions,” dagdag pa ni Sobejana.
Hindi naman kinumpirma at itinanggi ni Sobejana ang report na apat sa siyam na pulis sa Jolo fatal shooting ay nagpositibo sa powder burns.
“Hindi pa official pero narinig ko na rin yan kaya I don’t want to confirm nor deny, narinig ko lang unofficially so mas maganda siguro mahintay natin ang official report para wala tayong babaguhin na statement sa mga ibibigay ko sayo,” wika pa ni Sobejana.
Nilinaw din ng heneral, na ang Philippine Army ang may administrative jurisdiction sa mga sundalo nito kaya ang hukbo ang magdedesisyon kung magsasampa rin ito ng kaso laban sa siyam na pulis na bumaril patay sa apat na sundalo.
Una rito kinasuhan na ng mga misis ng apat na sundalo ang mga suspek na pulis na kasalukuyang nananatili sa Camp Crame.