Pinatitiyak ni Western Mindanao Command (Westmincom) Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa mga military commanders lalo na sa Sulu na hindi dapat mag-escalate ang nangyayaring hostilities ngayon sa probinsiya.
Ito ay kasunod sa pagkapatay ng mga pulis sa apat na Philippine Army personnel na nagsagawa ng intelligence operation laban sa mga terorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana, sinabi nito na naglabas siya ng direktiba sa mga top military commanders na siguraduhing hindi sasamantalahin ng mga teroristang grupo ang kasalukuyang sitwasyon.
“Well, nakausap ko naman ‘yung mga commanders at sinabi ko sa kanila na hindi dapat mag-escalate ‘yung nangyayari na ito at hayaan na natin sa investigating team ang insidente,” pahayag pa ni Sobejana sa panayam ng Bombo Radyo.
Aminado ang heneral na sobrang nalungkot ang mga sundalo sa Sulu hinggil sa nangyari kaya may mga ginagawa na rin silang hakbang para hindi tuluyang “ma-low morale” ang mga sundalo.
“Well, mina-manage natin ng mabuti dahil ayaw natin na magkaroon ng escalation ang hostilities out of the incident, remember we are from one government so we should work as a team kaya minabuti namin na NBI ang mag-imbestiga,” wika pa ni Lt.Gen. Sobejana.
Samantala, nanawagan naman si Sobejana sa publiko na huwag i-sensationalize sa pamamagitan ng social media o iba pang paraan ang pagkakapatay kahapon ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Ayon pa sa heneral, ang interes aniya ng militar ay malaman ang buong katotohanan sa likod ng insidente at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mga tauhan.
Giit ni Sobejana, hindi pa na-establisa ang motibo sa likod ng pamamaril, kaya hiling nila na NBI ang magsagawa ng isang impartial investigation.
Sa report ng militar, ang dalawang opisyal at dalawang sundalo ng 9th Intelligence and Security Unit (ISU) ng Phil. Army na nakasakay sa pribadong SUV ay nagsasagawa umano ng operasyon ng mabaril ng mga pulis sa harap ng Jolo Central Fire Station sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu kahapon ng alas-2:30 ng hapon.
Una nang nakilala ang mga nasawi na sina Maj. Marvin Indamog, commander ng 9ISU; Cpt Irwin Managuelod, FS commander at Sgt. Eric Velasco at Cpl. Abdal Asula.
“Ako’y nakikiusap sa ating mga kababayan lalo na ‘yung mahilig mag post sa social media na tigilan na natin ang mag-post ng kung anu-ano hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon ng NBI,” pahayag pa ni Sobejana.