Inaabangan na ng pamunuan ng Western Mindanao Command (Wesmincom) ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) hinggil sa madugong pamamaril sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng apat na sundalo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, aniya, mahalaga mabatid agad sa lalong madaling panahon ang mga rekumendasyon ng Board of Inquiry (BOI) ng sa gayon maipatupad na nila ang mga gagawing adjustments lalo na sa gagawing coordination.
Una nang inihayag ni Sobejana na base sa inisyal na report ng BOI team lapses sa coordination ang inisyal na nakikita ng probe team na naging dahilan sa pagpatay sa apat na sundalo ng siyam na pulis sa Jolo.
Bago pa binuo ang Joint AFP-PNP Board of Inquiry, agad nirebyu ng Wesmincom ang kanilang tactics, techniques and procedures.
Ayon kay Sobejana ang mga naging findings nila sa ginawang review ay kanilang isinumite sa BOI.
May isang linggo ang BOI team para isapinal ang kanilang ang kanilang report, matapos makabalik ang mga ito sa Maynila mula sa Sulu.
Ihaharap ang nasabing report kina AFP chief of staff Gen. Felimon Santos at PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa.