-- Advertisements --

JTFSulu

Patungo na sa probinsiya ng Sulu ngayon ang isang team ng National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang pamamaril patay ng mga pulis sa apat sundalo sa Jolo,Sulu kahapon.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom Commander LtGen. Cirilito Sobejana, ‘on special mission’ ang apat na sundalo dahilan na naka civilian clothes ang mga ito.


Sakay sa SUV ang apat na sundalo ng masita sa checkpoint ng mga Pulis at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Tumanggi muna si Sobejana na magbigay ng dagdag na pahayag habang iniimbestigahan ang insidente.

Personal na hiniling ni Sobejana na NBI ang magsagawa ng imbestigasyon para matukoy ang katotohanan sa likod ng pamamaril.

Nais ng militar na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng isang Army major, isang captain, isang sarhento at isang corporal.

Ikinalungkot ng mga matataas na opisyal ng AFP at DND ang pagpatay sa apat na sundalo.

Nakatakda namang dalhin sa Zamboanga City ang cadaver ng apat na napatay na sundalo mula sa Jolo.

Aalamin din ng militar kung ano ang motibo ng mga pulis bakit nila binaril patay ang apat na sundalo.

” Mas maganda kung third party yung mag investigate which is the NBI, nag-usap na kami ng regional director ng NBI ng region 9, ang sabi niya kaagad-agad nilang gawin ang investigation kaya they wiill be proceeding to Jolo as soon as possible, na preserved nating yung scene of the the incident para sa ganon hindi contaminated,” pahayag ni Sobejana.

Siniguro ng heneral makakamit ng apat na sundalo ang hustisya sa kanilang pagkamatay.

Umapela naman si Sobejana sa publiko na huwag ng i sensationalize ang insidente lalo na sa social media ng sa gayon maiwasan na magkaroon ng ibat ibang version ang insidente.

Hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon ng NBI.

Inihayag naman ng heneral na maganda ang relasyon ng militar sa mga pulis sa probinsiya kaya hindi ito makapaniwala na humantong sa tinawag nitong very unfortunate incident ang pagkakabaril patay ng mga pulis sa apat na sundalo.

” Wala naman problema manageable naman, nag-uusap yung ating mga commanders duon, nag-usap na rin si AFP chief of staff Gen. Felimon Santos at PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa,” wika ni Sobejana.

Aminado ang heneral na may natutunan sila sa insidente at sinigurong hindi na mauulit pa ang insidente.

” Ang importante din dito, we drew lessons out of this incident na hindi na dapat maulit muli,” giit ni Sobejana.

wesmincom