Paninindigan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa nakatakdang pakikipagpulong nito kay Chinese President Xi Jinping.
Sa pre-departure briefing sa Malacanang, sinabi ni DFA Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs Nathaniel Imperial na malinaw naman ang naisin ng pangulo na maging mapayapa at stable ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Imperial, tatalakayin ni Pang. Marcos ang buong bilateral relations ng Pilipinas sa China mapa-positibo man o sensitibong aspekto kabilang ang mga aktibidad ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Hindi naman aniya limitado lang sa maritime issue ang relasyon ng dalawang bansa bagama’t batid ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng isyung ito sa interes ng bansa at sa mga Pilipino.
Kasabay nito’y ipagpapatuloy rin aniya ni pangulo ang pakikipag-usap kay Xi kaugnay ng oil at gas exploration.