-- Advertisements --

Makikita na ngayon ang West Philippine Sea sa Google Maps.

Napag-alaman ito nitong araw ng Lunes, Abril 14.

Lumalabas din sa Google map search na nasa loob ng WPS ang Scarborough shoal o Panatag shoal na karaniwang fishing ground na pasok sa 200-nautical miles exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Matatandaan na naging tampulan ng mainit na debate ng ilang opisyal ng gobyerno ang paggamit ng terminong West Philippine Sea.

Sinabi noon ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta na walang WPS, na gawa-gawa lang ito at hindi umano makikita sa mapa ng Pilipinas, bagay na tinutulan ni Philippine Coast Guard spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela.

Maaalala na unang ginamit ang terminong WPS noong 2011 sa ilalim ng administrasyon ni yumaong dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa pagtukoy sa maritime areas sa kanlurang parte ng Pilipinas na pasok sa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ).

Taong 2012, opisyal na tinawag ng dating Pangulo ang karagatan sa kanlurang parte ng bansa bilang WPS sa bisa ng Administrative Order No. 29 para igiit ang ating soberaniya sa naturang karagatan.

Sa panahon din ni Aquino, naghain ng arbitration case ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague para i-protesta ang malawakang pag-aangkin ng China sa halos buong disputed waters.

Makalipas ang apat na taon, noong 2016, pinaburan ng international tribunal ang Pilipinas na nagpawalang bisa sa 9-dash line claims ng China.