BOMBO DAGUPAN — Nagpaabot ng malugod na pagpupugay si Federation of Free Workers President Atty. Sonny Matula sa naging matagumpay na misyon ng Atin Ito Coalition sa kanilang paglaot at pagdating sa hangganan ng Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea upang ipahayag ang mga karapatan ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ipinakita ng mga kababaihan at kalalakihan na nakiisa sa nasabing misyon ang tapang ng mga Pilipino sa kabila ng patuloy na karahasan ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.
Aniya na ang misyong pinangunahan ng Atin Ito Coalition ay isang daan na nagtataas sa kaalaman ng mga mamamayang Pilipino hinggil sa nangyayaring tensyon sa soberanyang pagmamay-ari ng bansa.
Saad nito na walang anumang karapatan ang China na barikadahan ang West Philippine Sea sapagkat bahagi ito ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas alinsunod na rin sa 2016 Hague Ruling na nagpapasa-walang bisa sa Nine Dash Line ng China.
Ani Atty. Matula na walang anumang basehan ang ginagawa at mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea at lalong sumasalungat ang mga ito sa desisyon at ipinatutupad na kautusan at batas ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Maliban pa dito ay naniniwala ito na kinakailangang hamunin at ipagpatuloy ng mga mamamalakaya ang kanilang karapatan na mangisda sa West Philippine Sea sapagkat labag sa kautusan ng ruling body ang ginagawang pananakot ng China sa mga ito na sila ay ikukulong.