-- Advertisements --
JOSE CALIDA 2

Ibinasura na ng Supreme Court (SC) ang Petition for Continuing Mandamus at Writ of Kalikasan na inihain ng mga grupo ng abogado at Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ayon kay Solicitor General (SolGen) Jose Calida, ito raw ang pinagkasunduan ng mga petitioners at mga respondent sa kaso matapos suspendihin ang oral argument kanina dahil sa ilang isyu.

Sa ipinadala namang mensahe ng SC-PIO Spokesman Brian Hosaka, hindi raw makumpira ng kataas-taasang hukuman ang napagkasunduan ng magkabilang panig.

Una rito, binuweltahan ni Calida ang mga grupong naghain ng Petition for Continuing Mandamus at Writ of Kalikasan sa Supreme Court (SC) dahil umano sa panlilinlang ng mga ito hindi lamang sa mga mangingisda kundi pati sa kataas-taasang hukuman.

Ayon kay Calida sa kanilang isinumiteng sinumpaang salaysay ilan sa mga ginamit na petitioners ay nag-withdraw sa kanilang signature dahil ayaw nilang maakyat sa Korte Suprema ang kanilang hinaing.

Aniya sa kanilang isinumiteng sinumpaang salay, 13 lamang dito ang pumirma habang 19 naman ang hindi pumirma para sa petisyon.

Sinabi ng SolGen na ilan daw sa mga mangingisda ay lumapit sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para pasinungalingan na kasali sila sa mga mangingisdang nagpetisyon.

Sinabi raw ng mga mangingisda na ayaw nilang masampahan ng kaso ang gobyerno dahil sa katunayan ay malaki raw ang tulong sa kanila ng pamahalaan.

Ilan daw sa mga mangingisda mula sa Palawan at Zambales ang nagpahayag na hindi nila susuportahan ang petisyon ng grupo ng mga abogado at Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Para kay Calida ang inihaing petisyon ay layon lamang siraan ang Duterte administration.