Nasa 30 US prison cadets ang sinibak matapos lumutang ang isang larawan kung saan makikita na ginagawa nila ang Nazi salute.
Sa likod ng mga kadete mula West Virginia Division of Corrections and Rehabilitation ay tanaw ang caption na “Hail Byrd!”, na pagtukoy sa isang class instructor.
Sa anunsyo ni state governor Jim Justice, tatanggalin daw sa puwesto ang nasabing mga kadete.
“As I said from the beginning, I condemn the photo of Basic Training Class 18 in the strongest possible terms,” wika ni Justice. “This kind of behaviour will not be tolerated on my watch in any agency of state government.”
Maliban sa mga nasa larawan, una na ring tinanggal ang dalawang trainers at isang kadete.
Ayon naman sa Department of Military Affairs and Public Safety, tinutukoy sa text ang class leader na si Kassie Byrd.
Batay sa report mula sa nasabing tanggapan, naghayag daw ng kanyang pagkabahala kay Byrd ang isang miyembro ng staff matapos matanggap ang photo.
Ngunit iginiit ni Byrd na wala naman daw mali sa larawan dahil “matigas” daw ito tulad ng kontrobersyal na wartime leader na si Adolf Hitler. (BBC)