Muli na namang nagulantang ang mundo ng NBA sa pagpayag ng Oklahoma City Thunder na i-trade si superstar Russell Westbrook patungong Houston Rockets.
Bilang kapalit ay mapapasakamay namang muli ng Thunder si Chris Paul, kasama ang first-round draft picks sa 2024 at 2026 at pick swaps sa 2021 at 2025.
Dahil dito ay muling magtatambal sina Westbrook at kapwa NBA guard na si James Harden na magkasamang inumpisahan ang kanilang career sa Thunder.
Batay sa ulat, tinrabaho raw talaga ni Westbrook at ng kanyang agent kasama si Thunder general manager Sam Presti upang mailipat ito sa Houston.
Ang nasabi ring hakbang ay kasunod ng hindi inaasahang pag-trade kay Paul George patungong Los Angeles Clippers nitong nakalipas na Sabado.
Habang si Paul ay tila nag-homecoming naman sa Oklahoma na naging temporary home ng New Orleans Hornets dahil hindi sila makapaglaro sa lungsod bunsod ng tinamong pinsala ng lugar mula sa Hurricane Katrina noong 2005.
Sa kasalukuyan ay hindi pa batid kung gaano katagal at kung magkano ang magiging kontrata nina Westbrook at Paul sa kani-kanilang bagong koponan.