Inakay ni Russell Westbrook na kumamada ng 31 points ang Houston Rockets tungo sa 120-116 pagsilat sa NBA top team na Milwaukee Bucks ngayong araw.
Ito na ang ika-36 sunod na laro na naglista ng 20 o mahigit pang puntos si Westbrook, upang pangunahan ang opensa ng Houston.
Hindi rin nagpapigil si James Harden na nagtala ng 24 points, pitong rebounds, pitong assists at anim na steals.
Ayon kay Harden, malaki ang ginampanang papel ng kanilang depensa upang maibulsa ang panalo.
“Throughout the course of the game we played some really good defense,” wika ni Harden. “They’re a good offensive team but we got stops when we needed to.”
Naduplika rin ng Houston ang NBA record sa pinakamaraming pagtatangka mula sa 3-point line sa isang regulation game, na umabot sa 61.
Sa panig ng Bucks, nasayang ang 36 points, 18 rebounds at walong assists na pinoste ni Giannis Antetokounmpo.
Sa kabila nito, gumawa pa rin ng kasaysayan si Antetokounmpo dahil sila lamang ni Kareem Abdul-Jabbar ang tanging mga manlalarong naglista ng 30 points, 15 rebounds at limang assists sa 15 games sa isang season sa huling 50 taon.
Umiskor ng 27 points si Khris Middleton, habang nagdagdag ng 23 si Brook Lopez para sa Bucks, na inaksaya ang tsansa na masungkit ang best record sa Eastern Conference.