Bumida ang reigning NBA MVP na si Russell Westbrook sa kanyang halos triple-double performance na may season-high na 34 points, 10 rebounds at nine assists upang ilampaso ng Oklahoma City Thunder ang Golden State Warriors, 108-91.
Ito ang unang panalo ng Thunder sa defending champion mula nang umalis sa kanila si Kevin Durant para lumipat sa Warriors makalipas ang 2015-2016 season.
Bago ito, merong apat na panalo na ang Golden State sa lahat ng kanilang paghaharap sa Thunder noong nakaraang season kung saan halos nag-average sa 20 points ang kalamangan.
Naging sidelight naman sa laro kanina ang harapan nina Westbrook at Durant na dumating pa sa punto na nagkainitan ang dalawa na naging dahilan para patawan ang mga ito ng double technicals.
Matapos ang laro ay minaliit lamang ni Westbrook ang pangyayari bunsod na ordinaryo na raw ang all-out palagi niyang performance.
Nagtapos si Kevin sa 21 points sa kanyang 8-for-17 shooting.
Habang si Stephen Curry ay nagdagdag ng 24 points para sa Warriors.
Naging malaking tulong naman kay Westbrook ang iba pang niyang All-Star teammates na sina Carmelo Anthony na tumipa ng 22 points at si Paul George ay nagpasok ng 20 puntos.
Sa ngayon umangat na sa kanilang record ang Thunder sa 8-9, samantalang bitbit naman ng Warriors ang 13-5 na kartada.