HOUSTON – Umiskor ng 37 points si James Harden upang tambakan ng Houston Rockets ang Oklahoma City Thunder sa Game 1 ng kanilang first-round playoff series, 118-87.
Hindi umubra kay Harden ang triple-double record holder na si Rusell Westbrook na nakatipon ng 22 points, 11 rebounds at seven assists.
Minalas din sa tira si Westbrook na meron lamang anim na naipasok sa 23 pagtatangka, habang nagtala rin ng nine turnovers para sa sixth-seeded na Thunder.
Liban sa malaking puntos, nagtapos din sa 9 assists at 7 rebounds si Harden.
Ang dalawa ay kabilang sa front-runner na nag-aagawan na masungkit ang MVP award ngayong season.
Samantala ang third seeded na Rockets ay abanse ng 20 puntos ng bumalik si Harden sa court na may pitong minuto ang natitira sa game.
Nanguna si Harden sa 10-0 run nang maipasok niya ang dalawang 3-pointers.
Naging malaking tulong din sa Houston ang ipinakitang performance ni Patrick Beverly na may 21 points at 10 rebounds sa loob lamang ng 25 minutos na paglalaro.
Muling gagawin ang Game 2 ng best-of-seven sa Western Conference series sa teritoryo pa rin ng Houston sa Huwebes.