-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nangunguna na ang Western Visayas sa may pinakamaraming kaso ng dengue hemorrhagic fever sa buong Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Jessie Glen Alonsabe, regional epidemiologist ng Department of Health-Region 6, sinabi nito na sa 14,230 ang kaso ng dengue sa rehiyon kung saan 81 na ang namatay.

Ayon kay Alonsabe, nangunguna ang lalawigan ng Iloilo na may 5,435 na kaso; pangalawa ang Negros Occidental na may 3,004, sinundan ng Capiz na may 2,202 na kaso; Aklan na may 1,567; Iloilo City na may 618; Bacolod City na may 504; Guimaras na may 493; at Antique na may 407.

Sa mortality rate naman, nangunguna ang Negros Occidental na may 21 nang namatay; sinusundan ng Iloilo Province na may 20; Capiz na may 14; Aklan na may isa; Iloilo City na may anim; Aklan na may apat; at may tig-dalawang kaso naman sa Guimaras at Bacolod City.

Nagpaalala naman si Dr. Alonsabe sa publiko na ugaliin ang pagsagawa ng 4-S o ang search and destroy, self-protection measures, seek early consultation at support fogging/spraying, upang mapuksa ang lamok na nagdadala ng nakakamatay na dengue.