ILOILO CITY – Aminado ang Office of Civil Defense (OCD) – Regional Office 6 na may kakulangan sa paghahanda ang ilang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office sa Western Visayas kaya may mga namatay sa pananalasa ng bagyong Ursula.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Jose Roberto Nuñez, Regional Director ng OCD-6, na hindi naging organisado ang pagpapatupad ng rescue operations na nagresulta sa mabagal na pagbigay ng tulong.
Para sa opisyal, mas makakabuti sa susunod kung pagtutuunan ng pansin ng lokal na gobyerno ang pagsasailalim sa puspusang training ng mga rescue personnel, kasabay ng pagbibigay ng kumpletong equipment.
Mahalaga rin umano ang maayos na communication line para sa matiwasay na rescue operations.
Dapat daw ay agad na naglalabas ng memorandum ang NDRRMC bawat Disaster Risk Reduction Management Office na magsagawa ng monitoring bilang paghahanda sa rescue operations.