ILOILO CITY – Pumapangalawa ang Western Visayas sa may pinakamaraming kaso ng rabies sa bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Marie Jocelyn Te, Rabies Prevention and Control Program Medical Coordinator ng Center for Health Development – Department of Health 6, sinabi nito na umaabot sa 28 ang kaso ng rabies sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Te, ang Negros Occidental ang may pinakamaraming kaso na umaabot sa 10, Capiz at Iloilo na may lima, Aklan na may apat, Iloilo City na may dalawa, Antique at Bacolod City na may tig-iisang kaso.
Inihayag ni Dr. Te na patuloy pa rin ang monitoring sa Guimaras hinggil sa kaso ng rabies.
Sa ngayon, sapat ang supply ng human vaccine ngunit kulang naman ang bakuna para sa mga hayop.
Pinayuhan naman ni Dr. Te ang mga nakagat ng aso o pusa na kaagad na magpakunsulta sa mga animal bite treatment center para sa agarang lunas.