Personal na humarap sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality ang isang immigration officer, para isiwalat ang nangyayaring suhulan para makapasok ang ilang iligal na Chinese workers.
Sumalang sa hearing si Immigration Officer Allison Chiong nang walang anumang takip sa mukha.
Inamin nito sa pagtatanong ni Sen. Risa Hontiveros, na siya ang kumuha ng video na una nang naipakita sa Senate inquiry noong nakaraang linggo.
Sa salaysay nito, umaabot daw sa P10,000 ang bayaran para makapasok nang walang kahirap-hirap ang mga turistang Tsino, na kalaunan ay magtatrabaho bilang gaming operators.
Sa paglutang ni Chiong, tanggap na niya na hindi na siya makakabalik sa trabaho lalo na at isiniwalat na niya ang mga pangalan sa mga nasa likod na iligal na pagpapapasok sa mga Chinese para kunwari ay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) gamit ang NAIA.
“I feel na ang mga kasamahan kong immigration officers, they have been enslaved by this corrupt system. Whether or not they were aware of it, biktima din sila. I want to free them that’s why I’m making this sacrifice,” ani Chong. “Chinese money that is used to bribe Immigration officers so that they can freely enter the country.”
Inamin naman ng testigo sa pastillas scandal na dati rin siyang nakatanggap ng pera mula sa ilang Chinese na pumapasok sa bansa.
Sa pagtatanong ni Sen. Imee Marcos, napaamin nito si Chiong na minsan din itong nakinabang sa iligal na aktibidad
Pero sinabi ng witness na hindi niya ito napagtiisan kaya minabuting ibunyag ang aktibidad na nadatnan na niya sa BI.
Nangako naman ang chairperson ng komite na si Hontiveros na mabibigyan ng immunity si Chiong dahil lehitimong testigo ito para sa mahalagang kaso.
Si Chiong ay Immigration Officer I na naka-assign sa NAIA 1 bilang frontline BI counter sa airport. Trabaho niya ang pagbusisi sa mga dokumento na mga papasok at papalabas na dayuhan sa bansa.
Aminado naman si Sen. Hontiveros papaano na lamang ang iba pang mga port sa bansa na wala pang lumalantad upang magbulgar din sa mga nalalaman na iligal na kalakaran.