-- Advertisements --

Inilunsad ng progresibong grupo na Bayan Muna kasama ang human rights advocates ang White Ribbon campaign na nanawagan ng hustisiya para sa mga biktima ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinagawa ito kahapon, Abril 6 sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon city na dinaluhan din ng mga pamilya ng mga biktima, church groups at civil society organizations bilang isang simbolikong protesta laban sa extrajudicial killings (EJKs) na nagawa umano ng nakalipas na administrasyon.

Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, ang naturang kampaniya ay hindi lamang pag-alala sa mga biktima kundi para panagutin ang dating Pangulo sa maramihang pagpagtay sa mga mahihirap.

Sumisimbolo aniya ang puting ribbon sa kanilang magkakasamang pighati at higit sa lahat, ang hindi natitinag na paninindigan para makamit ang hustisiya.

Nagsimula ang naturang kampaniya noong Marso 28 at nilalayon nito na maitaas ang kamalayan sa buong bansa at maigiit ang pananagutan.

Samantala, hinimok din ni Colmeranes ang Marcos administration na itigil na ang pagkukunwari. Kung tunay umanong pinapahalagahan ng gobyerno ang hustisiya, dapat na suportahan nito ang mga biktima at payagan ang International Criminal Court (ICC) na gawin ang trabaho nito.