Hinimok ng World Health Organization ang mga vaccine manufacturer na pabilisin ang produksyon ng mpox vaccine, kasabay ng pinangangambahan pang paglobo ng kaso nito.
Ayon sa WHO, hindi sapat ang kasalukuyang supply ng bakuna para mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit na kasalukuyan nang nakakaapekto sa ilang mga bansa sa Africa.
Hinimok din ng WHO ang mga bansa na may supply ng bakuna na idonate na muna ang mga ito sa mga bansang labis na nangangailangan.
Ayon sa international health agency, sa kasalukuyan ay mayroong 500,000 dose ng Modified Vaccinia Ankara-Bavarian Nordic(MVA-BN) mpox vaccine ngunit mayroon pang kapabilidad ang kumpanya na gumawa ng hanggang sa 2.4 million dose
Apela ng WHO, kailangang magtulungan na ang mga bansa upang makontrol ang pagkalat ng naturang sakit, at hindi lamang sa Africa.
Una nang iniulat ng Sweden ang unang kaso ng bagong variant ng mpox sa labas ng Africa.