Ipinagmalaki ni World Health Organization Director-General Tedros Ghebreyesus ang initial clinical trial result mula sa United Kingdom na nagpapakita ng pagiging epektibo ng isa sa mga posibleng gamot laban sa coronavirus disease.
Ang dexamethasone ay isang uri ng corticosteroid na kaya umanong pagalingin ang mga COVID-19 positive patient na nasa malubhang kalagayan. Habang may kakayahan din itong pababain ng one-third ang tsansa na mamatay ang isang pasyente .
Batay pa sa preliminary findings ng ahensya, kaya rin nitong bawasan ng one-fifth ang tsansa na mamatay ang mga pasyenteng nangangailangan ng oxygen o ventilator support subalit hindi makikita ang benepisyo ng naturang gamot sa mga mild cases.
Nagpaabot din ng pagbati si Ghebreyesus sa gobyerno ng Britanya, University of Oxford, at pati na rin sa lahat ng ospital at pasyente sa UK na nagtulong-tulong para maisakatuparan ang tinaguarian ngayong “lifesaving scientific breakthrough.”
Taong 1960 pa ginagamit ang murang steroid na ito para sa mga taong may rheumatoid arthritis, asthma at sakit sa balat. Kasama rin ito sa listahan ng WHO Model List of Essential Medicines noong 1977 na kasalukuyan ng off-patent at murang mabibili saan mang dako ng mundo.
Patuloy naman na hinihintay ng mga researchers ang full data analysis ng trial mula sa WHO. Nakatakda ring maglabas ang ahensya ng meta-analysis na magbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa gamot. Inaasahan na rin ang gagawing update ng WHO sa kanilang clinical guidance kung paano at kailan gagamitin ang dexamethasone kontra COVID-19.
Una rito ay pinuri ni United Kingdom Prime Minister Boris Johnson ang tagumpay ng kanilang bansa ngunit binigyang-diin ng prime minister na hindi ibig sabihin nito ay pwede nang balewlain na lang ang umiiral na social distancing sa UK.