Inirekomenda ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng synthetic antibody treatment na gawa ng American biotechnology company na Regeneron Pharmaceuticals.
Ang naturang gamot ay inirerekomenda partikular sa mga pasyenteng may non-severe COVID-19 na mataas ang risk na ma-admit sa ospital at sa mga pasyenteng may severe o critical COVID na walang sapat na antibody response laban sa virus.
Ang naturang rekomendasyon ay base sa lumabas na bagong ebidensiya mula sa tatlong clinical trials kung saan natuklasan na ang casirivimab at imdevimab ay kayang makapagpababa ng risk ng hospitalization at duration ng mga sintomas ng covid19 para sa mga pasyenteng hindi pa bakunado, matatanda o immunosuppressed.
Ang Casirivimab at Imdevimab ay mga monoclonal antibodies na kapag pinagsama ay kayang ma-neutralize ang kapasidad ng virus na ma-infect ang body cells.
Nakikita rin na may kapasidad ang dalawang antibodies na mapababa ang epekto maging ng mga bagong variants.
Ito na ang ikatlong treatment sa COVID-19 na inirekomenda ng WHO.
Sa ngayon nakikipagnegosasyon na ang WHO sa kompaniya sa pamamagitan ng UNICEF dahil may kamahalan ang naturang gamot para sa donasyon at pantay na distribusyon partikular na sa mga low at middle income countries.
Ilang mga bansa na rin ang nagbigay ng emergency use authorization o temporary use ngayong pandemic sa antibody treatment gaya ng European Union, US, India, Switzerland at Canada at Japan na kauna-unahang bansa na nagbigay ng full approval sa Regeneron antibody treatment para sa mga pasyenteng may mild to moderate COVID-19.
Maaalala na ito rin ang ibinigay na COVID treatment kay dating US President Donald Trump nang magpositibo ito sa virus.