Hindi na umano itutuloy ng World Health Organization (WHO) ang mga trials sa malaria drug na hydroxychloroquine at combination HIV drug na lopinavir/ritonavir sa mga pasyenteng may COVID-19 matapos na mabigo itong mapababa ang bilang ng mga namamatay dahil sa sakit.
Ang nasabing development ay kasabay ng mahigit sa 200,000 panibagong kaso ng coronavirus sa buong mundo na naitala sa loob lamang ng isang araw.
Ayon sa WHO, nanggaling sa Estados Unidos ang 53,213 ng kabuuang 212,326 panibagong kaso.
“These interim trial results show that hydroxychloroquine and lopinavir/ritonavir produce little or no reduction in the mortality of hospitalized COVID-19 patients when compared to standard of care. Solidarity trial investigators will interrupt the trials with immediate effect,” saad sa pahayag ng WHO.
Sa ngayon, sinusuri na ng mga eksperto ang potensyal ng antiviral drug na remdesivir laban sa COVID-19.
Nitong nakalipas na linggo nang bigyan ng European Commission ng conditional approval para magamit ang remdesivir makaraang magpakita ng senyales na kaya nitong paiikliin ang oras sa pagrekober sa sakit.
Matatandaang nagsimula ang solidarity trial sa limang branches na mag-aaral sa posibleng mga treatment approach sa COVID-19: standard care; remdesivir; hydroxychloroquine; lopinavir/ritonavir; at lopanivir/ritonavir na inihalo sa interferon.
Sinabi naman ni WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus, halos 5,500 pasyente sa 39 na mga bansa ang kanila nang na-recruit sa mga clinical trials, at inaasahan namang ilalabas ang interim results sa susunod na dalawang linggo.
Nasa 18 experimental COVID-19 vaccines ang tini-test na ngayon sa mga tao, kasama ng halos 150 treatments na under development pa rin.
Samantala, sinabi ni Mike Ryan, top emergencies expert ng WHO, hindi raw dapat na magbigay ng prediksyon kung kailan magkakaroon na ng posibleng bakuna laban sa virus.
Paliwanag ni Ryan, bagama’t posibleng magpakita ng bisa ang isang vaccine candidate sa katapusan ng taon, ang tanong daw ngayon ay kung kailan ito maihahanda para sa mass production. (Reuters)