Nababahala ang World Health Organization (WHO) dahil pabata na nang pabata na ang edad ng mga tinatamaan ng pandemic na COVID-19 sa buong mundo.
Ayon sa ilang opisyal ng WHO, ngayong buwan ay may pag-taas sa bilang ng mga may edad 20 hanggang 40-anyos na tinamaan ng sakit. Ang mas nakakabahala raw dito ay marami sa kanila ang asymptomatic o walang ideya na sila ay positibo dahil walang nararamdamang sintomas.
“People in their 20s, 30s and 40s are increasingly driving the spread. Many are unaware they are infected. This increases the risk of spillovers to the more vulnerable,” ani Dr. Takeshi Kasai, ang regional director ng WHO sa Western Pacific.
Dito sa Pilipinas, sinabi ng Department of Health (DOH) na may higit 113,000 confirmed cases ng COVID-19 ang pasok sa “productive age” o yung mga ang edad ay nasa pagitan ng 20 hanggang 59 years old.
May higit 3,500 indibidwal namang positibo rin sa sakit na ang edad ay 10-taong gulang pababa.
“Ito pong 20 to 59 years old, ito po ang productive age group, sila kasi iyong lumalabas ng bahay, nagtatrabaho, pagbalik nila sa pamilya, na-iinfect ang ibang maysakit at mga bata,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon kay Dr. Kasai, ang panibagong pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon ay indikasyon na nasa bagong phase na ng pandemic ang Asia-Pacific.(Reuters)