Kinumpirma ng World Health Organization(WHO) ang pinakaunang laboratory-confirmed human case ng influenza A(H5N2) virus o bird flu
Ang biktima ay isang 59 anyos na lalake at residente sa Mexico na namatay pa noong April 24, 2024. Siya ay nakitaan ng lagnat, hirap sa paghinga, diarrhoea at nausea. Batay sa record ng lalake, siya ay may chronic kidney disease, type 2 diabetes, at systemic arterial hypertension.
Una siyang na-admit sa isang ospital sa Mexico City noong April 23 at agad ding binawian ng buhay kinabukasan.
Ayon sa WHO, ang biktima ang pinaka-unang laboratory-confirmed human case ng influenza A(H5N2) virus o bird flu virus.
Noong May 23, iniulat ng mga Mexican authorities ang naturang kaso sa United Nations matapos ang mahaba-habang laboratory test.
Una nang na-detect ang presensya ng bird flu virus sa Mexico sa mga nakalipas na taon ngunit hindi pa malaman sa ngayong kung anong lugar ang nagsilbing ‘source of exposure’, dahilan upang mahawaan ang biktima.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng WHO na walang banta ng malawakang pagkalat ng naturang virus sa buong populasyon.
Lumalabas kasing pawang mga negatibo ang resulta ng testing na isinagawa sa lahat ng contact ng biktima, na unang tinunton ng mga otoridad.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring minumonitor ng mga otoridad ang mga poultry farms na nasa palibot ng bahay ng biktima at agad na ring nagtayo ng monitoring system doon.