MANILA – Hinihintay pa ng Department of Health (DOH) ang opisyal na anunsyo ng World Health Organization (WHO) tungkol sa nadiskubre umanong “hybrid” variant ng COVID-19 virus sa Vietnam.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kailangan pang pag-aralan ng mga dalubhasa sa WHO ang ebidensya tungkol sa sinasabing hybrid na bersyon ng SARS-CoV-2 virus.
Batay sa inisyal na ulat, taglay ng “hybrid variant” ang mga katangian ng B.1.1.7 o UK variant, at B.1.351 o South African variant.
“Kailangan ng sufficient na ebidensya at nakakakuha lang tayo ng validated information from WHO kaya hihintayin natin,” ani Vergeire sa isang press briefing.
Paliwanag ng opisyal, responsibilidad ng isang bansa na mag-report sa WHO kung makaka-detect ito ng mutation o pagbabago sa anyo ng virus sa kanilang estado.
Ayon sa WHO, nakikipag-ugnayan sa Ministry of Health ng Vietnam ang kanilang tanggapan para makakuha ng mga impormasyon tungkol sa sinasabing variant.
“At the present time, we have not yet made an assessment of the virus variant reported in Vietnam. Our country office is working with the Ministry of Health in Vietnam and we expect more information soon,” ani Maria Van Kerkhove, WHO Technical Lead for COVID-19 sa artikulo ng Reuters.
Para kay Vergeire, kahit ano pa ang anyo ng COVID-19 virus na ma-detect sa bansa, kailangan maintindihan ng publiko na pareho pa rin ang kailangang responde.
“Whatever type of variant that may be, kailangan pa rin natin i-practice yung minimum health protocols and have yourselves vaccinated if you’re eligible already,” ani Vergeire sa panayam ng CNN Philippines.
Sa huling datos ng DOH, nadagdagan pa ng 104 ang mga kaso ng UK variant sa Pilipinas, 137 sa mga kaso ng South African variant, isa sa Indian variant, at apat sa P.3 o variant ng COVID na unang nadiskubre dito sa bansa.
Mula sa kanila, lima pa ang active o nagpapagaling na UK variant case, at siyam sa infected ng South African variant. Pare-pareho naman nang gumaling ang mga tinamaan ng India variant at P.3.