Pinag-aaralan na ni World Health Organization (WHO) director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus ang pag-convene ng expert committee para pag-usapan ang lumalawak na mpox outbreak sa Africa.
Ito ay kung idedeklara na ito bilang isang international emergency.
Simula noong Setyembre, nagkaroon na ng pagtaas sa kaso ng naturang sakit sa Democratic Republic of Congo na pinaniniwalaang kumalat na rin sa iba pang mga African countries.
Ayon kay Ghebreyesus nilawakan na rin ng UN health agency, Africa Centers for Disease Control and Prevention, at mga local government sa Africa ang kanilang tugon sa naturang problema.
Diin ng UN Director General, ikinokonsidera nito ang lahat ng salik kung kailangan nang pulungin ang International Health Regulations emergency committee para rito.
Ang mpox, na kilala sa dating tawag na monkeypox, ay isang nakakahawang sakit dulot ng virus na naililipat sa mga tao mula sa mga hayop, lalo na sa rodents o daga. Posible rin ang human to human transmission sa pamamagitan ng physical contact.
Una itong nadiskubre noong 1970 sa Democratic Republic of Congo kung saan ang inisyal na palatandaan ay ang lagnat, pananakit ng kalamnan, skin lesions, at iba pa.