Nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa mga bansa na kung maari ay itigil muna ang planong pagkakaroon ng mga booster vaccine laban sa COVID-19.
Sinabi ni WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang nasabing hakbang ay para maging patas naman sa mga bansang hindi na nagsimula sa kanilang pagpapabakuna.
Maganda aniya ang booster vaccine kung ang lahat ng mga bansa ay may kakayahan na makabili ng bakuna.
Dahil sa kakulangan ng suplay ay maraming mga bansa pa rin ang nagkukumahog para mabakunahan ang kanilang mamamayan lalo na at tumataas ang kaso ng Delta variant.
Magugunitang maraming bansa ang nagpanukala na magkaroon ng booster vaccine dahil sa mabilis na pagtaas ng bilang ng nadadapuan ng Delta variant ng COVID-19.
Noong nakaraang linggo rin ay nanguna si Israeli President Isaac Herzog na nakatanggap ng ikatlong dose ng COVID-19 ng simulan ng bansa ang pagbibigay ng booster vaccine sa mga taong may edad 60 pataas.