ILOILO CITY – Pinuri ng mga kinatawan ng World Health Organization (WHO) Philippines Country Office ang Iloilo provincial government dahil sa matagumpay na COVID-19 vaccination program.
Kasabay ito ng pagbisita sa Iloilo ng team na pinangunahan ni Dr. Achyut Shresta, medical officer ng WHO upang makipag-usap kay Iloilo Governor Arthur Defensor, Jr. at sa Iloilo Provincial Health Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Shresta, sinabi nito na kapuri-puri ang “good practices” sa pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program sa Iloilo.
Napag-alaman na patuloy ang pagsasagawa ng “Bakuna sa Barangay” at regular on-site vaccination sa dalawang venues sa lalawigan.
Iminungkahi naman ni Shresta na bagamat maganda ang presentasyon ng probinsya, kailangang tutukan pa rin ang Priority Groups A2 at A5 na kinabibilangan ng mga indibidwal na nasa edad 60-anyos pataas at gayundin ang indigent population.