-- Advertisements --

Binigyang-diin ni World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Ghebreyesus na dapat pa rin ipagpatuloy ng Japan ang pagpapatupad ng iba’t ibang patakaran upang labanan ang COVID-19.

Ito’y kasunod na rin nang pagtanggal ng state of emergency declaration sa iba’t ibang prefectures sa naturang bansa.

Sinabi ni Ghebreyesus na naging matagumpay ang hakbang na ginawa ng Japan kontra coronavirus pandemic.

Kung dati raw ay nakapagtatala ang nasabing bansa ng 700 bagong kaso ng virus kada araw, ngayon ay halos 40 na lamang.

Sa kabila nito ay nagbigay-paalala si Ghebreyesus sa Japan na dapat ay ipagpatuloy umano ng bansa ang ginagawa nitong case identification, tracing, proper care at isolation.

Nagbabala naman si WHO Executive Director for Emergency Programs Michael Ryan sa mga bansa na hanggang ngayon ay nakararanas pa rin ng first wave ng impeksyon.

Aniya, hindi raw malayo na makaranas ang mga ito ng ikalawang wave ng virus lalo na kung magpapakampante lamang ang mga bansa.