Posibleng sa ikatlo o huling linggo raw ng Enero 2021 magsimula ang clinical trial ng World Health Organization (WHO) sa ilang bakuna ng COVID-19.
“It might be in January, third or fourth week, but still to be finalized,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ipinagpaliban ng steering committee, na kinabibilangan ng Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST), WHO, at iba pang eksperto, ang dapat sanang meeting noong Sabado.
Pero nilinaw ni Usec. Vergeire na hindi naman mauuwi sa panibagong delay ang pagsisimula ng Solidarity Trial, na unang itinakda noong Oktubre.
Layunin daw ng pulong na mabigyang linaw ang ilang pagbabago sa usapin ng clinical trial.
“Na-move lang dahil mayroon silang (WHO) commitments na hindi pwedeng ipagpaliban… nakausap namin sila and requested na it should be done this week.”
“Gusto lang natin, together with our principals, Sec. (Francisco) Duque, and Sec. (Fortunato) dela Pena, to sit down with the WHO para lang ma-klaro yung issues na gusto natin i-raise bago makapag-final with the Solidarity Trial.”
Wala pang inilalabas na listahan ng mga gagamiting bakuna sa pag-aaral ang WHO. Pero una nang sinabi ni Dr. Nina Gloriani, pinuno ng DOST-Vaccine Expert Panel, na dalawa sa mga nangungunang bakuna ang ikinokonsidera ng institusyon.
Ayon kay Usec. Vergeire, kailangan pa nilang makausap ang mga opisyal ng WHO para ma-plantsa ang mga paghahanda sa gaganaping eksperimento.
“We still need to meet the headquarters ng WHO sa Geneva para magkaroon kami ng final agreements dito.”