BRAZZAVILLE, Congo – Naglusad ang World Health Organization (WHO) ng agarang at malawakang aksyon upang suportahan ang health officials para sa mabilis na pagpigil sa Sudan virus disease outbreak sa Uganda.
Ang international body ay mabilis na nagpapadala ng mga senior na experts sa public health at idineploy sa mga apektado ng outbreak.
Agad ding naglaan ang organisasyon ng US$ 1 milyon (o katumbas ng P58 million) mula sa Contingency Fund for Emergencies upang mapabilis ang maagang pagtugon at naghahanda ng mahahalagang supply ng medical, kabilang ang personal protective equipment, para ipamahagi mula sa Emergency Response Hub sa Nairobi.
Kahit na walang lisensiyadong bakuna para sa Sudan virus disease, ang WHO ay aktibong nakikipag-ugnayan sa mga developer upang mabilis na ipadala ang mga pinag-aaralang vaccine, kapag nakuha na ang lahat ng kinakailangang approval.
Sa kasalukuyan, isang kumpirmadong kaso na isang nurse mula sa Mulago National Referral Hospital sa Kampala ang naiulat.
Wala namang iba pang mga health workers o pasyente ang nagpakita ng sintomas ng sakit.
Ang kabuuan ng 45 na contacts, kabilang ang mga health worker at miyembro ng pamilya ng kumpirmadong kaso (ng yumao), ang na-identify at kasalukuyang mahigpit na mino-monitor.
Ang pagkakatukoy ng kaso sa isang mataong urban area ay nangangailangan ng agarang at masusing tugon.
Sa kasaysayan, nagkaroon na ng walong outbreak ng Sudan virus disease, lima sa Uganda at tatlo sa Sudan.
Huling naiulat ng Uganda ang outbreak noong 2022.
Ang Sudan virus disease ay isang malubha, kadalasang nakamamatay na sakit na nakakaapekto sa tao at iba pang primates na dulot ng Orthoebolavirus sudanense, mula sa parehong genus ng virus na nagdudulot ng Ebola disease.
Ang case fatality rates para sa Sudan virus disease ay nag-iiba mula 41% hanggang 100% sa mga nakaraang outbreak.