-- Advertisements --

Nadudurog umano ang puso ni World Health Organization (WHO) Chief Tedros Ghebreyesus sa tuwing makikita o makatatanggap ng updates tungkol sa kasalukuyang lagay ng India laban sa coronavirus pandemic.

Dahil dito ay magpapadala ang WHO ng extra staff at supplies sa nasabing bansa upang tumulong sa laban nito kontra COVID-19.

Ayon kay Ghebreyesus, ginagawa ng WHO ang lahat ng makakaya nito para makapagbigay ng critical equipment at supplies sa India, kasama na ang libu-libong oxygen concentrators, prefabricated mobile field hospitals at laboratory supplies.

Una nang nagpadala ang ahensya ng 2,600 staff members mula sa ibang programa patungong India para suportahan ang mga mamamayan doon na labanan ang nakamamatay na virus.

Inatasan na rin ng Indian government ang tropa-militar ng bansa na tumulong na rin na kontrolin ang pagkalat ng bagong infection dahil sa COVID-19 na nagiging dahilan para mapuno ang mga ospital sa naturang bansa.

Nagpadala na rin ng urgent medical aid dito ang mga bansang Britanya, Germany at Estados Unidos.