-- Advertisements --

Nagsanib pwersa na ang Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) matapos makumpirma ang pagbabalik sa Pilipinas ng sakit na polio.

Kritikal na binabantayan ngayon ng DOH ang Lanao del Sur matapos maitala ng unang polio case matapos ang 19-taon na pagiging polio-free ng bansa.

Isang tatlong taong gulang na batang babae mula sa naturang lalawigan ang nagpositibo sa polio at diagnosed ngayon ng residual paralysis.

Bukod sa Lanao del Sur, nakatutok din ang ahensya sa Maynila at Davao City matapos mag-positibo sa poliovirus ang samples na kinuha mula sa sewage at waterways ng mga lugar.

“In addition, the poliovirus has been detected in samples take from sewage in Manila and waterways in Davao as part of the regular environmental surveillance.”

“A single confirmed polio case of vaccine-derived polio virus type 2 or two positive environmental samples that are genetically linked isolated in two different locations is considered an epidemic in a polio-free country.”

Ayon sa DOH, nasasalin ang sakit na polio kapag ang pagkain at tubig ay kontaminado ng dumi ng isang taong positibo sa naturang sakit. Sa kabila nito, hindi raw agad lumalabas ang sintomas ng polio.

Nitong Agosto nang simulan ng DOH ang immunization program laban sa polio pero hindi pa raw umabot sa kalahati ng target na populasyon ang nabakunahan.

Kaya bilang tugon nangako ang WHO at United Nations Children’s Fund (UNICEF) na tutulong sa pag-aangkat ng bagong stock ng mga bakuna.

Bukod kasi sa polio, binabantayan din ng DOH ang pinaghihinalaang kaso ng acute flaccid paralysis na tumatama sa mga batang 15-taong gulang pababa.