MANILA – Wala pa raw desisyon ang World Health Organization (WHO) hinggil sa paggamit ng Greek alphabet bilang pangalan ng mga “variants” ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
“Ito ay pinag-uusapan ng WHO… (pero) wala pang final dito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Noong nakaraang linggo nang ianunsyo ng UN health agency na gagamitin na nilang pantukoy sa mga “variants of concern” at “variants of interest” ang Greek alphabet.
Itinakda ng WHO bilang Alpha variant ang B.1.1.7; Beta ang B.1.351; Gamma ang P.1; at Delta ang B.1.617.2.
Tatawagin namang Epsilon variant ang B.1.427; Zeta ang P.2; Eta ang B.1.525; Theta ang P.3; Iota ang B.1.526; at Kappa ang B.1.617.1.
Layunin umano ng inisyatibo na mabura ang “stigma” o takot ng publiko sa mga bansa kung saan unang natuklasan ang mga variant.
Kung maaalala, unang nadiskubre ang mga variants of concern sa United Kingdom, South Africa, Brazil, at India.
Habang nasa Estados Unidos, Brazil, Pilipinas, at India ang ilang variants of interest.
“They will not replace existing scientific names, but are aimed to help in public discussion,” ani Maria Van Kerkhove, WHO COVID-19 technical lead.
Ayon kay Vergeire, wala pang inilalabas na opisyal na anunsyo ang WHO tungkol sa pagpapalit ng label o pangalan ng mga variants ng COVID-19 virus.
Isa aniya kasi sa ikinokonsidera ng mga eksperto ay ang posibleng kalituhan na idulot ng bagong label sa pagre-report.
“Mahirap kasing tandaan itong Greek alphabet especially sa mga nation na hindi yan ang ginagamit na usual.”