Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na wala pang ebidensyang magpapatunay na hindi na tatablang muli ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga taong una nang nagpositibo at gumaling sa nasabing sakit.
Sa isang pahayag, sinabi ng WHO na wala umanong patunay na ang mga taong nagkaroon na ng antibodies matapos gumaling mula sa virus ay hindi na dadapuang muli ng COVID-19.
“As of 24 April 2020, no study has evaluated whether the presence of antibodies to SARS-CoV-2 confers immunity to subsequent infection by this virus in humans.”
Ilang mga gobyerno kasi ang naglutang ng ideya hinggil sa pag-iisyu ng “immunity passports” o “risk-free certificates” para pahintulutan ang mga pasyenteng nakarekober na sa sakit na makabiyahe na o makabalik sa trabaho.
Pero ayon sa WHO, maaaring makasama pa ito at maging daan pa para kumalat pa lalo ang virus.
“At this point in the pandemic, there is not enough evidence about the effectiveness of antibody-mediated immunity to guarantee the accuracy of an ‘immunity passport’ or ‘risk-free certificate’,” saad nito.
“People who assume that they are immune to a second infection because they have received a positive test result may ignore public health advice,” dagdag nito.
“The use of such certificates may therefore increase the risks of continued transmission.”
Ang mga laboratory test din para ma-detect ang mga antibodies ay kinakailangan pa umanong dumaan sa masusing beripikasyon upang madetermina kung gaano kaeksakto ang kanilang resulta.
Kinakailangan ding matukoy ng mga tests ang pagkakaiba ng SARS-CoV-2 virus, na siyang nagdulot ng pandemic, at ng anim na iba pang mga uri ng coronavirus.
“People infected with one or the other of these viruses are capable of producing antibodies which interact with antibodies produced in response to infection caused by SARS-CoV-2”, saad ng organisasyon. (AFP)