Bumuhos si Andrew Wiggins ng 23 points, at si Gorgui Dieng na kumamada ng 12 points at 10 rebounds para dominahin ng Minnesota Timberwolves ang Portland Trail Blazers, 116-112.
Hindi pinaporma ng Minnesota ang Trail Blazers sa buong laro kung saan nalimitahan lamang nila sa 13 points sa 6-of-22 shooting ang Portland sa second quarter, na pinakamababang puntos na iniskor ng Blazers sa isang quarter ngayong taon.
Nagsumite ng 20 points si Damian Lillard para akayain ang Portland, habang nagdagdag naman ng tig-15 puntos sina CJ McCollum at Hassan Whiteside.
Naglaro ang Minnesota nang wala ang kanilang star big man na si Karl-Anthony Towns sa ika-12 sunod na laro dahil sa sprain sa kaliwang tuhod.
Nagsimulang makontrol ng Timberwolves ang buong laro sa second period kung saan bumomba ng 20-4 run sina Keita Bates-Diop at Wiggins upang burahin ang walong puntos na deficit at itala ang 46-38 abante.
Lumawig pa hanggang 27 ang kalamangan ng Minnesota, dahilan para magdesisyon si coach Ryan Saunders na isabak na ang kanyang mga backups sa kabuuan ng final canto.