-- Advertisements --

Umakyat pa sa 26 katao ang mga nasawi sa North Gyeongsang, South Korea matapos ang pinalakas ng wildfire na nararanasan doon.

Nagresulta rin ito sa pagkakasugat ng 30 iba pa, habang patuloy na nakikipaglaban ang SoKor na maapula ang apoy.

Aabot na kasi sa 36,000 ektarya ng kagubatan ang natupok ng apoy na higit pang malaki kaysa sa 23,794 ektaryang nasira sa mga nagdaang sunog sa bansa noong taong 2000.

Nasa 37,000 na mga residente naman ang nawalan ng tirahan, kasama na ang 29,911 na mga apektadong lugar sa Uiseong at Andong.

Iniulat pa ng mga opisyal sa SoKor na nagpapatuloy ang mga operasyon laban sa wildfire sa buong araw gamit ang kanilang helicopter, fire trucks, at mga tauhan upang labanan ang apoy na nagsimula sa Uiseong County, noong Sabado.

Ang malalakas na hangin ang dahilan umano ng mabilis na pagkalat ng apoy, ngunit inaasahan ang 5 mm na ulan na maaaring makatulong sa pag-apula ng apoy.

Itinuturing naman ng mga awtoridad na ito na ang pinakamalalang wildfire sa kasaysayan ng South Korea.