Aabot na sa 7 insidente ng wildfires ang naitala sa ikalawang araw mula nang sumiklab ito sa Los Angeles, California USA kahapon, Enero 8.
Kabilang sa mga naitalang insidente ng wildfire sa LA ay ang Olivas fire, Hurst fire, Woodley fire, Lidia fire, Sunset fire at pinakamalaki dito ay ang Palisades fire at Eaton fire kung saan halos 27,000 ektarya na ang lawak ng nasunog.
Nasa 137,000 katao naman ang pwersahang pinalikas mula sa 2 lugar na tinupok ng wildfire.
Ang sunog sa Hurst Fire ay sumiklab sa Sylmar sa hilagang parte ng San Fernando habang ang sunog naman sa Sunset Fire ay isa sa pinakabagong sumiklab sa may Hollywood Hills malapit sa Runyon Canyon.
Bunsod nito, ilang mga bahay ng Hollywood celebrities din ang natupok ng nagngangalit na wildfire at kinailangang lumikas.
Kabilang sa mga nasunugan ng bahay ay ang ilang sikat na Hollywood celebrities/personalities, ang US star actress na si Mandy Moore, ang Malibu house ni Paris Hilton, ang $6.5 million Los Angeles property ng US actor/couple na sina Leighton Meester at Adam Brody, ang multimillion dollar mansion ng Hollywood star na si Anna Faris, gayundin ang mga property sa Pacific Palisades
ng actors na sina Miles Teller at Eugene Levy, comedian na si Billy Crystal at Oscar winner na si Anthony Hopkins at iba pang Hollywood stars.
Napaulat din na posibleng pwersahang lumikas ang Duke at Duchess of Sussex na sina Prince Harry at Meghan Markle mula sa kanilang bahay sa Montecito, California sa gitna ng kinakaharap na power outages at evacuation doon sakaling kumalat pa ang wildfire.
Samantala, nakakaranas na rin ang mga bumbero sa LA ng kakapusan ng tubig sa pag-apula ng mga wildfire kung saan ilan sa alternatibong pinagkunan na lamang ng tubig ay mula sa swimming pools at mga lawa.
Nauna na ngang kinumpirma ng mga awtoridad na 5 katao na ang nasawi habang mahigit 100,000 residente ang napilitang lumikas mula sa Eaton fire habang 37,000 ang inilikas dahil sa Palisades inferno.
Una ngang sumiklab ang wildfire sa Palisades nitong Martes na itinuturing na pinakamapaminsala sa buong kasaysayan ng LA.