-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 50% ang nakontrol sa sunog na nararanasan estado ng Oregon sa Amerika dahil sa wildfires.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bombo International News Correspondent Marissa Pascual ng Portland, Oregon na sa ngayon ay 53% na ang contained sa sunog sa naturang estado subalit posibleng ito na ang pinakamalaking sunog na naitala sa naturang estado ng Amerika.

Aniya, nagkalat na ang wildfire pangunahin na sa mga kagubatan na dulot ng kidlat kaya marami na rin ang lumikas.

Umabot na sa pitumpong bahay ang inabandona ng mga may-ari at nasa 2,000 pa ang posibleng lisanin dahil sa nagbabadyang wildfire.

Sa ngayon ay wala pa namang napapabalita na may namatay dahil marami ang nagtutulungan para maiwasang makapagtala ng casualties.

Nagpapasalamat naman siya dahil hindi pa ito nakarating sa Portland dahil ang pinakaapektado sa ngayon ay ang Southern part ng Oregon.

Sa ngayon ay nasa 88-90°C ang temperatura na kanilang nararanasan dahil maraming puno na nakapalibot sa kanila.

Gayunman ay tuyung-tuyo na ang mga damo kaya kung may magtapon lamang ng sigarilyo ay siguradong magkakaroon ng sunog.

Sa kabila nito ay nakahanda naman sila dahil inaasahan na ang pagkakaroon ng wildfires tuwing panahon ng tag-araw sa naturang estado.