-- Advertisements --

Kumitil na ng 18 katao ang wildfires na sumiklab sa may southeastern region ng South Korea base sa report ng local media ngayong araw ng Miyerkules, Marso 26.

Ilan sa mga nasawi ay sinusubukang makatakas mula sa nagaalab na apoy subalit bumaliktad ang kanilang sasakyan, base sa report.

May 19 na indibidwal din ang napaulat na nasugatan habang mahigit 23,000 residente na ang inilikas at daan-daang mga istruktura ang napinsala.

Itinalaga naman ng gobyerno ng SoKor ang mga apektadong lugar bilang special disaster zones.

Una rito, nagsimulang kumalat ang naturang wildfires sa rehiyon nitong Martes, Marso 25 na nagbunsod sa pwersahang paglikas ng mga residente mula sa kanilang mga tahanan at tumupok na rin sa mga karatig na lugar.

Libu-libong mga preso na rin ang inilipat ng mga awtoridad mula sa mga piitan.

Nangako naman si Acting President Han Duck-soo ng pagpapadala ng mga firefighting helicopters at ground personnel para apulahin ang wildfires na mas sumidhi pa dahil sa malakas na hangin at tuyong panahon.

Samantala, suspetsa naman ng mga opisyal ng gobyerno ng SoKor na ang dahilan ng ilan sa mga kamakailang wildires kabilang na sa may Uiseong at Ulsan ay dahil sa human error, posibleng dahil sa paggamit ng apoy habang nililinis ang mga matataas na damo sa mga sementeryo o posibleng sumiklab mula sa welding work.