-- Advertisements --

CANLAON CITY, NEGROS ORIENTAL – Sinuspinde ng Pamahalaang Lungsod ng Canlaon ang pagpasok ng mga magsasaka at evacuees sa loob ng 6km Permanent Danger Zone (PDZ) kasunod ng explosive eruption ng bulkang Kanlaon ngayong Martes, Abril 8, na nagsimula alas-5:51 ng umaga hanggang alas 6:47am.

Ito’y upang matiyak ang kaligtasan at maiwasan ang anumang untoward incidents dahil sa aktibidad ng bulkan.

Nauna nang pinayagan ng pamahalaang lungsod ang mga magsasaka na bumalik sa kanilang mga lupang sakahan sa loob ng 6km Permanent Danger Zone (PDZ) mula 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon para maalagaan nila ang kanilang mga pananim na kanilang kabuhayan.

Sa ngayon nanatili namang hindi naapektuhan ang pasok at trabaho sa lungsod dahil sa naturang pagsabog at wala ding naiulat na nasugatan na may kaugnayan nito.

Samantala, hinimok naman ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas ang kanyang mga nasasakupan na manatiling mapagmatyag at makinig sa mga abiso at anunsyo mula sa lokal na pamahalaan.

Nanawagan din ito sa mga residente na laging handa sa anumang posibleng mangyari.